MGA KAWANI AT KLIYENTE NG MGA PASILIDAD NG DSWD 7,
NAGBIGAY PUGAY SA BUWAN NG WIKANG PAMBANSA

Posted on: September 18, 2025

MGA KAWANI AT KLIYENTE NG MGA PASILIDAD NG DSWD 7, NAGBIGAY PUGAY SA BUWAN NG WIKANG PAMBANSA

Sa katatapos na pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa nitong Agosto 2025, nagsama-sama ang mga kawani at kliyente ng Centers and Residential Care Facilities (CRCFs) ng DSWD Field Office 7–Central Visayas upang gunitain ang kahalagahan ng pagpapayabong sa kulturang Pilipino at pagpapalaganap ng wikang Filipino.

Tampok sa selebrasyon ang pagsusuot ng pambansang kasuotan, pagpapakita ng mga likhang-sining at pagtatanghal, pati na rin ang pagbisita sa pambansang museo-mga gawaing nagbigay-daan upang higit na mapahalagahan at maipagmalaki ang mayamang kultura at wika ng bansa.

Sa Reception and Study Center for Children (RSCC), ipinakita sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan ang ganda at husay ng lahing Pilipino.

Mga kawani ng RSCC na nakasuot ng mga pambansang kasuotan ng Pilipinas.
Mga kawani ng RSCC na nakasuot ng mga pambansang kasuotan ng Pilipinas.

Ayon kay Bb. Divine Grace Lecias, Social Worker at kasalukuyang tagapamahala ng RSCC, bagama’t musmos pa ang mga batang kanilang inaalagaan, mahalagang maipadama at maipakita sa kanila ang kahalagahan ng selebrasyon. "Sa pamamagitan ng munting salo-salo ay mas maipaintindi pa namin sa mga bata na dapat magkaroon ng respeto sa wikang Filipino at pagpapahalaga sa mayamang kultura ng ating bansa," aniya.

Nakiisa rin sila sa patimpalak sa paggawa ng poster na nagbigay ng kahulugan sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa na, "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa."

Samantala, sa katabing pasilidad na Home for Girls, masiglang ipinamalas ng mga bata ang kanilang talento sa pagsayaw ng mga katutubong sayaw at pagkanta gamit ang wikang Filipino.

Ang mga dalagita ng Home for Girls ay hinati ayon sa mga sayaw gaya ng Singkil, Maglalatik, Cariñosa, at Tinikling.
Ang mga dalagita ng Home for Girls ay hinati ayon sa mga sayaw gaya ng Singkil, Maglalatik, Cariñosa, at Tinikling.

Ayon kay Ginang Jenifer B. Abastillas, tagapamahala ng Home for Girls bilang Center Head, aktibong nakikilahok ang mga bata sa iba’t ibang patimpalak at gawaing pangkultura na kanilang inihahanda buwan-buwan. "Tulad na lamang ng pagpipinta, pag-eehersisyo, pagsali sa mga paligsahan ng pagandahan, at iba pa, na siyang naging daan upang maging masaya at makatulong sa kani-kanilang rehabilitasyon," dagdag niya.

Para sa kanila, ang pagpapakita ng mga sayaw ng lahing Pilipino ay nagsilbing paraan upang higit na maunawaan ng mga bata ang kahulugan ng selebrasyon. “Hindi man ito direktang nakatuon sa pagpapayabong ng wikang Filipino, nagbibigay naman ito ng respeto at pagpupugay sa sining at talento bilang isang Pilipino. Kaya naman naging masaya at makulay ang aming selebrasyon ng Buwan ng Wika,” ani Abastillas.

Samantala, ang mga indibidwal na may kapansanan na kasalukuyang sumasailalim sa libreng pagsasanay sa Area Vocational Rehabilitation Center (AVRC) II ay nakiisa sa Pambansang Museo ng Pilipinas–Cebu sa pagdiriwang ng ‘Buwan sa Pinulongan 2025.’ Dito, nakibahagi ang ilan sa kanilang mga kasamahang may kapansanan tulad ng mga bulag, bingi, at hindi nakapagsasalita sa pagpapayabong ng paggamit ng senyas-kamay gamit ang Wikang Filipino.

Kuha mula sa NMP-Cebu: Pagbisita ng mga trainee ng AVRC II sa Pambansang Museo ng Pilipinas–Cebu.
Kuha mula sa NMP-Cebu: Pagbisita ng mga trainee ng AVRC II sa Pambansang Museo ng Pilipinas–Cebu.

Karaniwang ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika tuwing Agosto sa mga paaralan, kung saan hinuhubog ang kabataan upang magbigay-pugay sa pambansang wika at kultura. Subalit ipinakita ng mga kawani at kliyente ng CRCFs ng DSWD-7 na hindi hadlang ang kanilang kalagayan upang makiisa sa ganitong selebrasyon. Sa loob ng mga pasilidad, naranasan at naipadama ng bawat isa ang tunay na kahalagahan ng Pambansang Buwan ng Wika.

Transparency Seal FOI Logo Contact Center ng Bayan Citizen's Charter PGS Quality Policy GAD No Tobacco
Maagap at Mapagkalingang serbisyo